MANILA, Philippines — Nakipagpulong si dating Senador at boxing icon Manny Pacquiao kina Senate President Francis “Chiz” Escudero at Senador Joel Villanueva nitong Lunes.
Isinagawa ang pagpupulong sa isang pribadong lugar na tumuon sa pagpapalakas ng ugnayan sa paggawa ng batas, pagsusulong ng mga polisiyang maka-mahirap at mga inisyatiba para sa hinaharap na pambansang kaunlaran.
Si Pacquiao, na muling sumasabak sa halalan ngayong darating na midterm elections sa Mayo 2025, ay binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga mambabatas upang maisulong ang mga repormang may direktang pakinabang sa sambayanang Pilipino.
“Napag-usapan namin kung paano mananatiling haligi ng pag-asa at pagkilos ang Senado para sa bawat Pilipino,” ani Pacquiao. “Handa akong makipagtulungan sa mga beteranong lider gaya nina SP Chiz at Senador Joel upang isulong ang mga batas laban sa kahirapan, pagpapalakas ng kabataan, at pagtatanggol sa ating pambansang interes.” Tinalakay rin sa pulong ang mga prayoridad sa paggawa ng batas tulad ng edukasyon, programang libreng pabahay para sa mga mahihirap, pagpapa-unlad ng sports, kabuhayan, at pampublikong kalusugan.
Si Pacquiao, na nanilbihan sa Senado mula 2016 hanggang 2022, ay nagpahayag ng kanyang kasabikan na makipagtulungan muli sa mga beteranong mambabatas upang isulong ang makamasang agenda sa lehislatura.
“Napag-usapan namin na walang dapat maiwan lalo na yung mga kababayan nating mahihirap,” ani Pacquiao.