MANILA, Philippines — Tiniyak ng bagong talagang Philippine National Police (PNP) chief na si Gen. Nicolas Torre III na mararamdaman ng publiko ang pagbaba ng krimen sa bansa kasunod ng ‘3 pillars’ na kanyang pagbabatayan na kinabibilangan ng mabilis at patas na pagseserbisyo, pagkakaisa at pagpapataas ng moral ng mga pulis at accountability at modernisasyon.
Ayon kay Torre, gagawin ng PNP ang lahat upang maipakita sa publiko na kaya nilang ibalik ang tunay na peace and order sa bansa.
Ani Torre, sisikapin nilang matugunan ang iba’t ibang hamon sa PNP.
Aminado si Torre na mahirap makumbinsi ang publiko na bumababa ang antas ng krimen sa bansa batay sa mga hawak nilang datos.
Gayunman, hindi aniya siya titigil sa paghahanap ng mga paraan hangga’t hindi naisasakatuparan ang hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking ligtas ang bawat pamayanan sa bansa.
Una nang sinabi ng Pangulo na dapat maramdaman ng publiko ang mga pulis lalo na sa mga komunidad.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Torre na layong niyang magsilbing tulay ang pulis ng publiko at pamahalaan.
Naging mahigpit din ang direktiba ni Torre sa kanyang mga pulis na iwasang pagpasa-pasahan ang sinumang dumudulog sa police station.
Hinimok naman nito ang publiko na gamitin ang 911 upang isumbong ang pulis na magpapasa-pasa sa kanilang reklamo.
