MANILA, Philippines — Lumabas sa pag-aaral ng mga siyentista kabilang si University of the Philippines (UP) Prof. Mahar Lagmay na ang natuklasang panay-panay na pagbaha sa Metro Manila, bukod sa topograpiya, ay ang pagbaba ng water level o pagbaba ng lupa at tone-toneladang basura na nakabara sa mga drainage systems at mga estero.
Sa research na isinagawa ni Lagmay at iba pang siyentista na may titulong “Street floods in Metro Manila and possible solutions” na nailathala sa Journal of Environmental Sciences, ipinaliwanag na isang isthmus ang Kalakhang Maynila sa pagitan ng Manila Bay at Laguna de Bay. Iisa ang major water catchment, ang Marikina River Basin na may laking 535 square km at walong maliliit na river sub-basins na may laki namang 683 square km.
Sa sandaling umulan, tumatayong water outlets ang Marikina, Pasig, San Juan at Tullahan rivers at ang tubig ay likas na dadaloy palabas ng Manila Bay at Laguna de Bay. Kung barado ng basura ang mga estero at drainage systems, hindi kinakaya ng mga pumping stations na agad-agarang ibuga ang tubig palabas patungong Manila Bay.
Sa nakaraang pagbaha, tinatayang 600 toneladang basura ang nagbara sa mga drainage systems sa buong Kamaynilaan na naging sanhi ng malalang pagbaha, ayon sa MMDA.
Dahil sa kawalan ng sapat na urban planning, ginawang kalsada at tinayuan ng mga subdibisyon at gusali ang mga natural na daluyan ng tubig patungong Manila bay. Sa pag-aaral nina Lagmay, ang mga lugar na ito ang kadalasang binabaha sa tuwing may bagyo.
Isa ring dahilan ng pagbaha ay ang pagbaba ng lebel ng lupa o “land subsidence”.
Mula sa 22-40 millimeters ang inilulubog ng kalupaang sumasakop sa Metro Manila taun-taon dulot ng ground water extraction na nagiging dahilan ng soil compaction at paglubog ng lupa. Bukod sa MM, kinakitaan din ng unti-unting paglubog ng lupa ang ibang siyudad sa mga bansang Indonesia, Mexico, China at Amerika.Sinabi ni Lagmay na ang kawalan ng urban planning at taunang pagbara ng mga drainage systems bunga ng tone-toneladang pagtatapon ng basura sa mga estero ay nagpapalala sa problema. Ang pagtutulungan ng mga mamamayan at pamahalaan ay kailangan upang masolusyunan ang mga sanhi ng pagbaha.