Pagsirit ng presyo ng bilihin nakaamba


Sa 17% taripa ng US sa Pinas

MANILA, Philippines — Nakaamba umanong tumaas presyo ng mga bilihin sa bansa kasunod ng anunsiyo ni US President Donald Trump na magpapataw sila ng 17% na taripa sa mga kalakal na mula sa Pilipinas simula Abril 9.

Sinabi ni Trump na kailangang palakasin ang pandaigdigang posisyon sa ekonomiya ng Estados Unidos at protektahan ang mga manggagawang Amerikano na bahagi ng malawakang patakaran sa taripa na “Liberation Day.” 

Ang 17 porsiyentong taripa ay mas mababa kumpara sa 34 porsiyentong ipinapataw sa mga produktong pumapasok sa bansa mula sa Amerika.

Base sa listahan na ipinost ni Trump sa Truth Social, ang 17% taripa ay mas mababa kumpara sa mga kapitbahay sa Southeast Asia na Vietnam (46%), Thailand (36%), Indonesia (32%), Malaysia (24%) at Cambodia (49%).

Tanging Singapore lamang ang pinatawan ng 10 percent tariff.

Kasabay nito, hinimok ni Senate President Chiz Escudero ang mga economic manager ng pamahalaan na paghandaan ang 17% taripa na ipinatutupad ng Amerika sa mga export ng Pilipinas.

“What are the pains and what are the gains, if any, that we should expect? Will it be an economic earthquake that will shake our economy to its foundations? Or will it just be a slight tremor that will not cause any harm?” sabi Escudero.

Sinabi rin ni Escudero na dapat linawin ng ­gobyerno kung ano ang magiging epekto nito sa bansa dahil tiyak aniyang magreresulta din ito sa pagtaas sa presyo ng mga bilihin sa bansa.

Inihalimbawa niya ang soybean na inaangkat ng Pilipinas mula sa US na ginagamit na pagkain ng local grower para sa mga manok at baboy na posibleng maapektuhan ng pagtaas ng taripa nito. 

“Ibig sabihin nito ay tataas at magmamahal din ang bilihin because $1 in every $6 of the country’s export earnings comes from our trade with the US,” ani Escudero.