December 19, 2025 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Hindi ko akalain na kung kailan magpapasko—panahong dapat ay masaya at puno ng pag-asa—doon pa po naospital ang aking mister.
Masakit po sa akin na makita siyang nahihirapan, lalo na’t alam kong gusto rin niyang maging malakas para sa aming pamilya.
May mga sandaling pinanghihinaan na po ako ng loob—takot, pagod, at pangamba ang pumapalit sa saya ng Pasko. Minsan po, tinatanong ko ang sarili ko kung bakit sa ganitong panahon pa ito nangyari.
Dr. Love, paano po ba haharapin ang ganitong pagsubok nang hindi nawawala ang pananampalataya at pag-asa?
Eleanor
Dear Eleanor,
Ang Pasko ay hindi lamang tungkol sa handaan at kasiyahan; ito rin ay panahon ng pag-ibig na nasusubok.
Ang mahalaga, hindi ka sumusuko. Sa bawat gabi ng pag-aalala, may umagang may bagong pag-asa.
Ipaalala mo sa iyong mister na hindi siya nag-iisa at na ang inyong pagmamahalan ang magsisilbing lakas niya.
Manalig ka. napagtagumpayan na ni Hesus ang mundo. Kaya ang bawat nananalig sa kanya ay makakaasa sa kanyang habag na laging bago sa araw-araw.
DR. LOVE