August 19, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ng lider ng apat na makabayan at sibikong organisasyon na ang lalo pang dumaraming pagkadiskubre ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga palpak na flood control projects ay tama lamang na habulin at papanagutin ang mga nasa likod ng posibleng korapsyon.
“Sa panahong dumaranas ng matinding pagbaha at iba’t ibang uri ng kalamidad, hindi na makatwiran ang palpak at substandard na trabaho at malawakang korapsyon,” ani Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement pinuno ng iba’t ibang makabayang organisasyon.
“Kaya’t todo ang suporta ko kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang matapang at makatuwirang pag-inspeksyon sa mga flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ipinapakita niya na ang kapabayaan at panloloko sa bayan ay hindi niya palalampasin,” pahayag ni Goitia.
Aniya, laban ng bawat Pilipino ang isinusulong ng Pangulo dahil taumbayan ang higit na naapektuhan tulad ng pinakahuling insidente na ibinunyag ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor, sa Naujan Oriental, Mindoro na nawasak ang ilang dike noong nakaraang linggo na hindi pa nagtatagal itayo.
Kabilang naman sa ininspeksyon ni Marcos ang river protection structure sa 2 barangay sa Calumpit, Bulacan, na palpak din kaya agad na iniutos sa Commission on Audit (COA) ang imbestigasyon.