MANILA, Philippines — Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang nagpaalala sa publiko na mag-ingat sa fake news ngayong panahon ng kampanya.
Ayon sa Pangulo, hindi agad dapat maniwala sa mga pekeng balita na may kaugnayan sa darating na halalan sa Mayo.
Sinabi rin ng Pangulo sa kanyang lingguhang vlog na kahit naman hindi panahon ng kampanya, palaging may fake news.
Kakambal na rin aniya ng kampanya ang mga intriga at batuhan ng putik na ngayon ay online na.
“Ang katotohanan, kampanya man o hindi ang fake news ay laging nandiyan kakambal ng kampanya ay ang batuhan ng putik na tinatawag na fake news kaya dapat maingat ang mga mamamayan,” ani Marcos.
Binanggit rin ng Pangulo na sa mga pinupuntahang rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ay tunay na mga tao ang nakikita nitong sumusuporta sa mga kandidato ng administrasyon at hindi mga “keyboard warrior” o trolls.
“Ang bagong Pilipino ay marunong kumilatis sa tama at maling impormasyon kaya dapat extra ingat tayo sa mga nababasa natin online,” dagdag ng Pangulo.
Hindi rin aniya kayang pekehin ang mga nagawang programa at serbisyo ng pamahalaan dahil mismong mamamayan ang nagpapatunay sa mga ito sa pamamagitan ng kanilang pasasalamat sa gobyerno.
