Pangulong Marcos: Palaboy isama na sa 4Ps


MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na isama na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps at sa iba pang programa ng ahensiya ang mga palaboy.

Sa State of the Nation Address (SONA) ni Marcos nitong Lunes, sinabi nito na ang mga palaboy o street children ang siyang higit na na­ngangailangan ng tulong ng pamahalaan.

Pinahahanap nito sa lahat ng local go­vernment units ang mga palaboy upang mabigyan ng ­tulong.

“Sa ating mga LGU, hanapin ninyong lahat at ipasok silang lahat sa 4Ps at sa iba pang mga programa ng DSWD. Para naman maitaguyod natin sila at magsimula na ang kanilang paglakbay tungo sa pag-unlad ng kanilang buhay,” ayon sa Pangulo.

Aniya, sa ilalim ng kanyang administrasyon, mahigit 5 milyong pamilya ang nagbenepisyo sa conditional cash grant ng 4Ps.

Ipinagmalaki nito na sa loob ng tatlong taon, nasa isa’t kalahating ­milyong pamilya na ang gumanda ang buhay kaya nakapag-graduate na sa programa ng 4Ps.

“Itong susunod na tatlong taon, bibigyan natin ng prioridad ang mga anak ninyong tutungtong sa kolehiyo. Kitang-kita natin ang bunga ng mga programang ito,” dagdag pa ng Pangulo.