Pangulong Marcos pinapurihan ni Salceda sa pagtutok sa Food Security, Coco Levy sa SONA


MANILA, Philippines — Pinapurihan ni Albay 3rd District Rep. Raymond Adrian Salceda kahapon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbibigay nito ng importansya sa seguridad sa pagkain at muling pagpapasigla sa industriya ng niyog sa katatapos na State of the Nation Address (SONA) 2025 nitong nakaraang Lunes.

Pinasalamatan rin ni Salceda si Pangulong Marcos sa panawagan nito sa mga mambabatas na amyendahan ang “Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act ‘ o “Coco Levy Act “ na bahagi ng kaniyang wishlist sa SONA ng punong ehekutibo.

“Kasunod ng atas ng Pangulo, ihahain ko sa Kamara ang panukalang bersiyon namin ng bagong ‘Coco Levy Fund Act’ sa lalong madaling panahon. Ang industriya ng niyog ay isa sa mga pinakamalaking sektor ng agrikultura sa ating bansa batay sa lawak ng saklaw nito at maging sa ating ‘export.’

Sadyang napakahalaga ang ‘food security’, ayon sa solon na pamangkin ni dating Albay Rep. Joey Sarte Salceda.

Sa kaniyang talumpati sa bayan, inilatag ng Pangulo ang mga nakalatag na programa ng kanyang administrasyon upang isulong ang produksiyon ng agrikultura kung saan isinama nito ang mga suportang imprastraktura tulad ng ‘farm-to-market roads’ at modernisasyon ng sektor sa pamamagitan ng makabagong makinarya at teknolohiya.

Nanawagan naman si Salceda, isa sa mga haligi ng ‘Fair Wage Bloc” sa Kamara sa kaniyang mga kasamahang mambabatas na agarang amyendahan ang “Coco Levy Fund Act” at gawin itong angkop sa kasalukuyang sitwasyon at tutugon sa pangangailangan ng mga magniniyog at muling pagpapasigla sa industriya ng niyog.

“Sana ay utusan din ni Pangulong Marcos ang mga ahensiyang may kinalaman sa ‘Coco Levy Fund’ na madaliin ang pagpapatupad sa mga panukala nila kaugnay sa makabuluhan at kapaki-pakinabang na paggamit ng naturang pondo na nananatiling katiting lamang sa isang taon hanggang ngayon,” anang solon.

Isa sa 10 panukalang batas na inihain ni Salceda sa Kamara sa unang araw ng paghain ng naturang mga panukala ay ang ‘bill’ niya na naglalayong dagdagan ng P10 ang halaga ng isang kilo ng palay na bibilhin ng ‘National Food Authority’ (NFA) na ang pondo ay magmumula sa ‘excess tariff revenues’.

Layunin nito na amyendahan ang Section 14 ng Republic Act (RA) 11203 o mas kilala bilang Rice Tariffication Law.