August 30, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Handa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sumailalim sa lifestyle check kasama ang mga miyembro ng ehekutibo.
Ito ang tugon ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa mga hamon ng ilang mambabatas na dapat isama rin ang Presidente sa mga dapat na i-lifestyle check sa gitna ng mainit na usapin sa anomalya sa flood control projects.
“Lahat ng parte ng ehekutibo ay ready for lifestyle check. Lahat ng miyembro ng ehekutibo ay ready pati na po ang Pangulo,” ayon kay Castro.
Nilinaw naman ni Castro na kasama sa lifestyle check ang pagbusisi sa statement of assests, liabilities and networth (SALN) ng mga opisyal at ready aniya ito kung kinakailangan, kahit na mauna o mahuli man ang Pangulo.
Pinagsabihan naman nito si Sen. Risa Hontiveros na huwag lumayo sa isyu. Sa halip na tutukan ang SALN ng Pangulo, ay dapat habulin at papanagutin ang mga sangkot sa flood control projects dahil ito ang kasalukuyang isyu.
“Lumalayo kasi tayo sa isyu, sabi natin ang Pangulo, kasama ang buong ehekutibo ay ready for lifestyle check so huwag tayo lumayo sa isyu. Ang isyu ngayon ay tuligsain at habulin ang mga involved sa flood control projects. So huwag nating ibahin at huwag tayong mamulitika,” ayon pa kay Castro.
Matatandaan na ipinag-utos ni Marcos ang lifestyle check sa lahat ng opisyal ng gobyerno maging ang mga kasabwat na kontratista na nakinabang sa mga proyekto ng gobyerno.
