Pangulong Marcos siniseryoso mga banta sa kanyang buhay


MANILA, Philippines — Siniseryoso ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng natatanggap na mga banta sa kanyang buhay kaya nag-iingat din ito.

Ito ang pahayag ng Pangulo sa panayam ng India’s Firstpost matapos na tanungin kung may kakayahan si Vice President Sara Duterte na gawin ang bantang assassination plot laban sa kanya, kay First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez.

“I don’t know. You know, but I’m really not in a position to say what that’s about. But you have to be careful. But then, you know, in my position, there always is some kind of threat and we take them all very seriously,” pahayag ng Pangulo.

Nag-ugat ang pahayag na assassination ni VP Duterte sa isang virtual press conference noong ­Nobyembre at sinabing may kinausap siyang tao na patayin ang tatlo oras na mapatay siya.

Kaagad na ipinagbigay alam sa Presidential Security Command (PSC) ang nasabing pahayag para sa tamang hakbang.

Nilinaw naman ng VP na ang kanyang pahayag ay hindi banta kundi sinasabi lang niya ang banta sa kanyang seguridad.