MANILA, Philippines — Muling sinuspinde ng Malakanyang ang pasok ngayong Miyerkules sa mga tanggapan ng gobyerno at klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong eskuwelahan dahil sa patuloy na malalakas na pag-ulan dulot ng Habagat.
Sa inilabas na Memorandum Circular No. 90 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, kabilang sa suspendido ang klase sa lahat ng antas ng paaralan at pasok sa gobyerno ay ang Metro Manila, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Masbate, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Palawan, Antique, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Laguna at Negros Occidental.
Ang kautusan ay ginawa base sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dulot ng patuloy na malalakas na buhos ng ulan dala ng Southwest Monsoon o Habagat.
Ang mga ahensiya naman na responsable sa pagdadala ng mga pangunahing pangangailagan, vital at health services, preparedness at response duties ay tuloy lang ang pasok para masiguro na makakapaghatid ang gobyerno ng tulong sa kabila ng deklarasyon ng work suspension.
“Non-vital government employees of subject agencies and all other government employees may be engaged under approved alternate work arrangements, subject to applicable laws, rules and regulations”, nakasaad pa sa memorandum.
Nakasaad pa sa kautusan na maaaring magpatupad ng localized cancellation o suspensyon ng klase at trabaho sa gobyerno ang ibang rehiyon base sa kautusan ng kanilang mga Local Chief Executives.
Ipinapaubaya naman ang suspensyon ng trabaho ng mga pribadong kumpanya sa kanilang mga pinuno.