Pinoy couples mas gustong mag-alaga ng hayop kesa anak


MANILA, Philippines — Mas gusto ng Pinoy couples na magkaroon ng alagang hayop kaysa sa anak dahil sa mas ikinokonsidera ng mga ito ang financial aspects ng kanilang relasyon, batay sa latest findings sa ginawang pag-aaral ng Commission on Population and Development (CPD) .

“Bakit nga ba naging ganito ang preference sa mga Pilipino. Actually sa study namin, qualitative study, sinasabi na yung mga Pilipino gusto nila kasi economic considerations first and even some prefer pets over children,” pahayag ni Mylin Mirasol Quiray, head ng Know­ledge Management and Communications Division ng CPD.

Aniya, uso ito ngayon at makikita sa mga mall ang mga couples na may dalang strollers pero ang laman ay aso o pusa.

Bukod aniya sa economic considerations, ilang Pinoy couples ay mas gusto rin munang mag-travel kaysa mag-anak.

“Ayun nga economic considerations, gusto pa nila mag-travel muna bago magkaroon ng anak. Tumataas din ang live-in or cohabitation. ‘Yun ‘yung nakikita natin sa mga Pilipino sa ­ngayon,”  sabi pa ni Quiray.

Mula sa 5 percent noong 1993, naging quadruple ang couples na mag live-in noong 2022.

Una rito, sinabi ng CPD na ang Pilipinas ay malamang na magkaroon ng aging population sa 2030 dahil sa pagbaba ng population growth na maaaring sanhi ng ­COVID-19 pandemic, pagbabago ng fertility intentions at behavior ng mga Pinay at pagtaas ng morta­lity rates ng mga Pilipino.