MANILA, Philippines — Inaresto ang isang 28-anyos na Filipino na may hawak na green card noong nakaraang linggo ng mga awtoridad ng United States sa California dahil sa umano’y pagpapadala ng mga pondo sa mga pinaghihinalaang Islamic State of Iraq and Syria terrorists (ISIS).
Kinilala ng Department of Justice ng US ang lalaki sa apelyido nitong Villanueva, na kinasuhan ng pagtatangkang magbigay ng materyal na suporta sa isang dayuhang teroristang organisasyon.
Ang nasabing pagkakasala ay may sentensiya ng 20 taon sa pederal na bilangguan.
“Supporting a terrorist group, whether at home or abroad, is a serious risk to our national security,” sabi ni acting United States Attorney Bill Essayli sa isang statement.
Naiulat na sinabi ng US DOJ na base sa rekord ng isang money transfer firm, si Villanueva ay nagpadala ng 12 beses na bayad na nagkakahalaga ng $1,615 sa loob ng limang buwan sa dalawang tagapamagitan na nag-access ng pera sa ibang bansa.
Ang ISIS, isang kilalang dayuhang teroristang organisasyon ng US, ay responsable sa mga pag-atake sa halos 20 iba pang mga bansa, kabilang ang Afghanistan, France, at United Kingdom.
