September 1, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nasawi ang isang 53-anyos na turistang Pinoy matapos mawalan ng malay habang sakay sa isang ride sa Hong Kong Disneyland.
Ayon sa report, hinimatay ang lalaki na sinasabing may “medical condition” habang nakasakay sa Frozen Ever After ride sa Hong Kong Disneyland Resort alas-10 ng umaga nitong Biyernes.
Sa ulat ng South China Morning Post, inalerto ng misis ang mga staff ng nabanggit na ride na inatake ng hypertension ang mister. Ginawan pa ng CPR ng first responders ang biktima bago isinugod sa North Lantau Hospital, kung saan siya idineklarang patay bandang alas-11:30 ng umaga.
Iginiit naman ng Hong Kong Disneyland na ang pagkamatay ng Pinoy guest ay walang kaugnayan sa ride safety.
“The resort deeply regrets the passing of the guest and will do its utmost to provide necessary assistance to his family,” ayon sa tagapagsalita ng resort.
Kinumpirma naman ng Philippine Consulate-General sa Hong Kong at nakarating na sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasabing report.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Phil. Consulate sa mga awtoridad sa Hong Kong para maiuwi sa Pilipinas ang labi.