Pinoy tourist nabundol ng taxi sa Hong Kong, patay


MANILA, Philippines — Isang 35-anyos na turistang Pinoy ang nasawi matapos mabundol ng taxi sa labas ng isang hotel sa Tsuen Wan West, Hong Kong nitong Martes.

Ayon sa ulat, kalalabas lang ng biktima sa hotel, bitbit ang kanyang bagahe at nakatingin sa kanyang mobile phone nang biglang bumangga ang isang taxi sa harapan ng hotel, na tumama sa turistang Pinoy.

Natumba ang biktima at naipit ito sa pagitan ng taxi at ng marble column sa labas ng hotel.

Isinugod siya sa Princess Margaret Hospital ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.

Nagtamo naman ng minor injuries ang 80-anyos na taxi driver. Naghihintay umano siya sa labas ng hotel nang makaramdam siya ng pagkahilo at nagtangkang magmaneho palayo, ngunit nawalan siya ng kontrol sa taksi, na nagresulta sa aksidente.

Kasalukuyang nasa Kwai Chung Public Mortuary ang mga labi ng biktimang Pinoy.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nasa kustodiya na ng pulisya ang taxi driver na sangkot sa aksidente.