PNP: Nagpakalat ng black ops vs partylist nominees pananagutin


MANILA, Philippines — Hahabulin ng Philippine National Police (PNP) ang mga nasa likod ng pananakot, pagpapakalat ng black propaganda, at paninira sa mga kandidato gamit ang social media platforms.

Pahayag ito ni PNP Anti-Cybercrime Group Chief Brig. Gen. Bernard Yang matapos maghain ng reklamo si ATeac­her partylist nominee Virginia Rodriguez laban sa ilang indibidwal na gumagamit ng pekeng Facebook at Tiktok accounts para siya ay siraan maging ang kinabibilangan niyang partylist group.

Sinabi ng PNP na malaki ang epekto ng ganitong mga aktibidad sa electoral process ng bansa kaya dapat itong agad maaksyonan para mapangalagaan ang integridad ng democratic system. 

Nagbabala rin ang mga abogado at supporters ng ATeacher partylist sa mga nasa likod ng malisyosong pag-atake kay Rodriguez dahil tukoy na kung sinu-sino ang mga sangkot sa aktibidad. 

Natukoy ang mga nasa likod ng pag-atake matapos ang panayam sa isa ring nominee ng ATeacher na si dating Rep. Julieta Fortuna kung saan nakatanggap siya ng mga akusasyon na mistulang pag-atake sa kaniyang karakter.