MANILA, Philippines — Nilinaw ng Malakanyang na nasa mabuting kalusugan at nanatiling malakas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ito ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro matapos kumalat sa social media na dumudugo ang gilagid ni Pangulong Marcos habang nagsasalita sa Camp Aguinaldo kung saan pinarangalan ang mga pamilya at mga benepisyaryo ng mga nasawing sundalo at mga pulis.
Dahil sa pagkalat sa social media ng larawang may dugo ang gilagid ng Pangulo kaya nagkaroon ng mga espekulasyon at tanong tungkol sa kalusugan ni Marcos na 67 taong gulang na.
Tiniyak naman ni Castro na physically fit ang Pangulo at nananatiling nakatutok sa kanyang mga trabaho.
Sinabi pa ni Castro na bagama’t hindi niya tinanong si Marcos kung mayroong sakit, dahil wala siyang karapatan na tanungin ito, ay hindi naman aniya makakadalo sa mga maagang pagpupulong ang Pangulo kung hindi ito malusog.
Bukod sa pagbisita sa Camp Aquinaldo ay dumalo rin sa Marcos sa paggunita sa Araw ng Kagitingan sa Bataan at sa paglulunsad ng national food fair sa Mandaluyong.