Problema sa mother in law


Dear Dr. Love,

Isa pong mapagpalang araw sa inyo. Sana ay matulungan nyo ako sa problema ko tungkol sa mother in law ko na masyadong bini-beybi ang kanyang anak na mister ko.

Kahit maraming kalokohang ginagawa ang asawa ko, ni minsan ay hindi ako ipinagtanggol ng biyenan ko.

Wala pa kaming sariling bahay kaya pansamantala ay nakapisan kami sa mother in law ko. Lagi naming pinag-aawayan ng mister ko ang pambababae niya pero ako pa ang sinabihan ng nanay niya na masyado akong selosa na wala sa lugar. 

Isang gabi na nagtalo kami ay pinagbuhatan niya ako ng kamay. Sinampal ako. First time niya ako sinaktan.

Ni hindi kumibo ang biyenan ko para pagalitan siya. Ano ang gagawin ko?

Moriah

Dear Moriah,

Ayaw ko sanang magrekomenda ng separation ngunit ang pananakit at emotional battery ay puwedeng maglagay sa iyo sa bingit ng kapahamakan. 

Ang inuugali ng asawa mo ay sapat na dahilan para mapawalang bisa ang inyong kasal. Habang nagtatagal ang pagsasama ninyo, lalo lang nalalagay sa panganib ang iyong buhay.

Dr. Love