February 21, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nagbigay ng panibagong panawagan ang TRABAHO Partylist para sa mas matibay na proteksyon at suporta sa mga manggagawa kasunod ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dengue na iniulat ng Department of Health (DOH).
Kasama sa kanilang mga panukala ang pagpapalawig ng benepisyo para sa sick leave, medical care, at time-off o emergency leave upang alagaan ang mga kapamilya na tinamaan ng sakit.
Kamakailan lamang, kinumpirma ng DOH ang mabilis na pagtaas ng mga kaso ng dengue sa iba’t ibang lokalidad, kung saan siyam na lokal na pamahalaan ang nakakaranas ng mataas na bilang ng mga kaso at pagkamatay dulot ng dengue.
Ayon kay Atty. Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO Partylist, ang mga manggagawa, lalo na iyong nasa mga industriya na may mataas na outdoor exposure, ay may mataas na panganib na makakuha ng dengue dahil sa tumataas na bilang ng mga lamok sa ilang mga lugar. Nanawagan ang grupo ng agarang reporma upang palakasin ang proteksyon ng mga manggagawa sa gitna ng krisis pangkalusugan.
