Sa higpit ng tatay, gusto na magtanan


Dear Dr. Love — Pilipino Star Ngayon

February 27, 2026 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Ang problema ko po ay ang tatay ko. Mula nang makatapos ako ng pag-aaral hindi na nila ako binigyan ng kalayaan. Dahil para sa kanila gaya pa rin ako ng isang paslit. Opo, ganon nila ako kung ituring, parang bata pa rin.

Bunga nito, walang pwedeng manligaw sa akin. Kahit nasa edad na ako para makaranas ng pakikipagrelasyon. Pero hindi ko po gusto na magpatangay na lang sa gusto nila para sa akin. May boyfriend po ako ngayon, ka-officemate ko pero lihim lang.

Kapag magde-date kami ay sa canteen lang ng office namin dahil takot ako sa tatay ko. Matapang ang tatay ko at istrikto na wala sa lugar.

Wala namang magawa ang nanay ko. Sa chat na lang kami madalas nag-uusap ng boyfriend ko. Naiinis na rin ang boyfriend ko at minsan ay napag-uusapan namin na magtanan na lang. Tulungan mo ako. Paano mababago ang situwasyon ko?

Xandra

 

Dear Xandra,

Ang tungkulin ng mga magulang ay magbigay ng payo at ga-

bay sa anak, pero hindi tama na kontrolin nila ang buhay ng mga ito. Mali ang inaasal ng iyong ama.

Sa ginagawa niyang paghihigpit sa iyo, baka tumanda kang dalaga kung susunod ka lang sa bawat gusto niya.

Bilang paggalang sa kanya, subukan mo siyang kausapin ng mahinahon.

Sabihin mong gusto mo ng kalayaan na maranasan ang para sa edad mo, gaya nang pakikipagrelasyon.

Kung tatanggi pa siya, puwede kang magdesisyon sa sarili mo. Kung niyayaya kang magtanan ng boyfriend mo at mahal mo siya, walang masama dahil nasa edad ka na at dapat mo nang harapin ang sarili mong buhay at kaligayahan.

Pero tiyakin mo na pakakasalan ka niya dahil baka dumoble ang problema mo.

Dr. Love