August 20, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Hinamon nitong Martes ni House Minority Leader Marcelino Libanan si Sen. Robinhood Padilla na linisin muna nito ang sariling bakuran bago isulong ang panukalang drug test sa Office of the President at iba pang opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Libanan, gimmick at theatrics lamang ito ni Padilla kung saan tinanggihan ng Kongresista ang inihaing panukalang batas ng Senador na isailalim sa taunang mandatory drug test ang Pangulo ng bansa at iba pang mga opisyal ng pamahalaan.
Ginawa ni Libanan ang pahayag matapos na madawit ang dating aktres na si Nadia Montenegro, Political Affairs Officer ni Padilla, na pinaghinalaang nagma-marijuana sa comfort room ng Senado.
Si Montenegro ay nagbitiw sa tungkulin matapos ang kontrobersya na itinangging nag-marijuana siya sa CR.
“The timing speaks volumes. Instead of cleaning up his own backyard, somebody is trying to deflect attention by dragging the Office of the President into a spectacle. The presidency is not a stage for gimmicks or stunts,” saad ni Libanan.
Binigyang-diin ng House Minority Leader na ang kaniyang posisyon ay hindi upang magprotekta ng indibidwal manapa’y para protektahan ang institusyon.
“Whoever sits as President—past, present, or future—must be spared from the indignity of being forced to undergo a drug test. To subject the presidency to such procedures diminishes not just the occupant but the very office itself,” punto pa ni Libanan.
