Sakripisyo ng OFW | Pilipino Star Ngayon


Pilipino Star Ngayon

December 26, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Tawagin na lang po ninyo akong Kuya B, 45 taong gulang, at kasalukuyang nagtatrabaho sa Gitnang Silangan bilang isang engineer. Halos 15 taon na po akong malayo sa pamilya ko—sa asawa at tatlo naming anak na nasa Pilipinas.

Araw-araw, parang gusto ko nang mag-book ng one-way ticket pauwi. Nakikita ko ang mga anak ko na lumalaki sa video calls lang, at masakit na hindi ko sila nayayakap. Wala po talagang papantay sa pakiramdam ng kasama mo ang sarili mong pamilya. Iba pa rin po ang init ng yakap ng asawa at ang kulitan ng mga anak sa personal. Sa totoo lang, parang wala nang halaga ang malaking sweldo kung wala naman sila sa tabi ko.

Pero, ito po ang bumabagabag sa akin: kailangan pa rin po kasing magtrabaho.

Kahit na may naipundar na kaming maliit na negosyo at bahay, hindi pa rin po sapat ang income mula roon para suportahan ang pag-aaral ng tatlong anak ko, lalo na at magkokolehiyo na ang panganay. Kaya kahit gusto ko nang umuwi for good, alam kong kailangan kong magtiis muna at magpadala ng remittance linggo-linggo.

Kuya B

Dear Kuya B,

Salamat sa pagbabahagi mo ng iyong saloobin. Gusto kong malaman mo na, hindi ka nag-iisa. Ang nararamdaman mo—ang pagitan ng pag-ibig sa pamilya at tungkulin na magtrabaho—ay pinakamabigat na krus na dinadala ng bawat OFW.

Ang pagnanais mong umuwi ay napakaganda at kailangan mo itong gawing goal, hindi lang pangarap.

Pag-aralan ninyong mag-asawa kung paano mapapalakas ang inyong negosyo. Ito ang magiging tulay mo para makauwi ka nang hindi na financially dependent sa iyong sweldo bilang OFW. Set a regular “date”, hindi lang chat o call ang kailangan. Magtalaga kayo ng araw sa bawat linggo kung saan scheduled ang inyong “Family Video Call.” Sa oras na iyon, gawin ninyong interactive. Halimbawa, mag-break ka nang naka-video call kasabay ng mga anak mo, o magkwento ng detalye tungkol sa araw nila. Tandaan mo, walang makakapalit sa piling ng pamilya. Pero ang sakripisyo mo ngayon ang sisigurado na ang pag-uwi mo balang araw ay hindi magiging panandalian lang.

Darating ang araw na magigising ka at makikita mo ang iyong mga anak sa tabi mo, hindi na lang sa screen. Tibayan mo lang ang iyong loob!

DR. LOVE