Dear Dr. Love,
Isa akong simpleng maybahay at ina. May isa kaming anak ng aking mister, at dito po nagsisi-mula ang problema ko. Nitong mga nakaraang buwan, palagi na lang wala sa bahay ang aking asawa. Laging may lakad, may inuman, o kaya naman ay “trabaho” raw, pero kadalasan hindi ko alam kung nasaan talaga siya.
Habang ako po ay araw-araw na nag-aalaga sa anak naming lumalaki na halos hindi siya kilala bilang ama. Nagtatanong n nga po ang bata kung nasaan ang papa niya.
Hindi ko po siya agad sinisisi, naiintindihan ko po na may pinansyal na obligasyon siyang tinutupad. Pero kahit po ba ganoon, wala na ba talaga siyang oras para sa anak niya? Parang palamuti na lang po siya sa buhay namin — may ama nga, pero parang wala.
Pagod na po akong umasa, pero hindi ko rin po alam kung anong hakbang ang dapat kong gawin. Ayokong lumaki ang anak ko na may puwang sa puso dahil sa kakulangan ng presensya ng ama. Ayoko rin namang tuluyang mawalan ng asawa. Paano ko po siya mahihikayat na gampanan ang pagiging ama, hindi lang sa salita kundi sa gawa?
Glo
Dear Glo,
Hindi sapat ang pagiging ama sa apel-yido lang. Ang tunay na ama, naroroon — hindi lang sa mga bayarin, kundi sa mga yakap, gabay, at alaala ng anak.
Kausapin mo siya nang malinaw. Hindi para manumbat, kundi para ipakita kung gaano kalaking puwang ang iniiwan niya sa buhay ng bata — at sa’yo.
At kung patuloy siyang lumilihis sa responsibilidad, tandaan mo: minsan, mas mainam pang lumaking may kulang ang anak kaysa lumaking may mali siyang inuukit sa puso. Hindi ka lang nanay. Isa kang tao na karapat-dapat mahalin at pahalagahan — hindi iwanan.
DR. LOVE