Sapat na pondo sa libreng pabaon ng Free College Law, titiyakin


MANILA, Philippines — Iginiit ni dating Senador at independent senatorial candidate Bam Aquino ang kahalagahang mabigyan ng sapat na pondo ang libreng pabaon na nakapaloob sa Free College Law para matiyak na walang hadlang sa kanilang hangaring makapagtapos ng kolehiyo.

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga estudyante at magulang sa Brgy. Luz sa Cebu City noong ­Linggo, sinabi ni Senador Bam may mga ­estudyanteng ­nagda-dropout kahit libre na ang tuition sa kolehiyo dahil sa bigat ng araw-araw na gastusin sa pag-aaral, gaya ng baon, pamasahe, at libro.

“Sa batas po natin, nailagay natin diyan iyong Tertiary Education Subsidy, o tawag po namin, libreng pabaon. Iyon po’y tulong sa mga estudyanteng nangangailangan na meron tulong sa pamasahe, pagkain, pang-dormitoryo, pang-libro, pang-project, at lahat ng mga iba pang pangangailangan na hindi po tuition fee o miscellaneous,” wika ni Senador Bam.

“Kaya mahalaga, mapondohan po ‘yung batas natin ng lubus-lubos para iyong kabataan nating nangangailangan, may tulong para makapagtapos,” dagdag pa niya.