Sarah Discaya nagmamay-ari ng 9 construction firms


Malou Escudero — Pilipino Star Ngayon

September 2, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inamin ni Sarah Discaya na siya ang nagmamay-ari ng siyam na construction companies na nakakuha ng flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Pero iginiit ni Discaya na wala silang backer kahit palaging nananalo sa bidding ang kanilang kompanya.

“Wala po akong nakakausap sa DPWH. Nakikita lang namin sa PhilGEPS (Philippine Government Electronic Procurement System) at sumasali kami sa bidding na alam naming qualified kami,” ani Discaya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa anomalya sa mga flood control projects.

Pagmamay-ari niya ang St. ­Gerrard General Contractor and Deve­lopment Corp., St. Timothy Construction Corp., Alpha & Omega Gen. Contractor, Elite General Contractor and Dev’t Corp., at St. Matthew General Contractor & Development.

Kabilang din dito ang Great Pacific Builders and General Contractor, YPR General Contractor and Construction Supply, Amethyst Horizon Builders and General Contractor & Dev’t Corp., at Way Maker OPC.

Halos nasa 400 proyekto na ang nakuha ng kanyang mga kumpanya sa DPWH mula 2022 hanggang 2025.

Taun-taon, sumasali umano sila sa bidding ng iba’t ibang proyekto sa gusali, kalsada, at flood control sa buong bansa. 

Nang tanungin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada kung may ghost project sa mga ito ay diretsahang sumagot si Discaya na wala.

Ayon kay Estrada, hindi lehitimo ang isang proyekto kung ang naglalaban-laban sa bidding ay ang siyam na kum­panya ni Discaya.