August 20, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Inatasan ng Supreme Court en banc nitong Martes ang Senate, House, Commission on Elections (Comelec) at Executive Secretary Lucas Bersamin na maghain ng komento kaugnay sa petisyong inihain ni election lawyer Romulo Macalintal na ideklarang unconstitutional ang pagpapaliban ng 2025 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sinabi ni SC Spokesperson Camille Ting, kailangang isumite ang komento ng hindi lalagpas ng 10 araw matapos matanggap ang notice.
Nais ni Macalintal sa inihaing petisyon na magpalabas din ng temporary restraining order (TRO) o status quo ante order ang Korte Suprema upang mapigilan sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12232, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Miyerkules, na hindi lang naglipat sa pagdaraos ng BSKE mula sa orihinal na Disyembre 1, 2025 ay ilipat sa unang Lunes ng Nobyembre 2026, dahil pinalawig pa nito sa 4 na taon ang termino ng lahat ng barangay at SK officials.
Kinuwestiyon pa ni Macalintal na hindi binanggit sa RA 12232 ang salitang “postponement”, na batay sa 2023 Supreme Court decision sa Macalintal vs. Comelec, ay “unconstitutional” na ipagpaliban kung walang balidong kadahilanan.