Pilipino Star Ngayon
August 13, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Naalarma si Senate Committee on Basic Education Vice Chairperson Sen. Idol Raffy sa dumaraming bilang ng insidente ng karahasan sa mga paaralan sa Pilipinas na banta sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at school personnel.
Binanggit ni Tulfo ang insidente noong Agosto 7 sa Santa Rosa Integrated School sa Nueva Ecija kung saan isang 18-anyos na dating estudyante ang bumaril sa isang 15-anyos na estudyante bago niya kitilin ang sarili, at ang insidente noong Agosto 4 sa Balabagan Trade School sa Lanao del Sur kung saan binaril at napatay ng isang Grade 11 na estudyante ang kanyang guro, diumano’y dahil sa bagsak na grado.
Tinanong ni Tulfo ang Department of Education (DepEd) kung anu-anong hakbang ang kanilang isinasagawa upang matugunan ang suliraning ito, maiwasan ang pagpasok ng mga nakamamatay na armas gaya ng baril sa loob ng paaralan, at matiyak ang isang kaligtasan sa loob ng school facility.
Ayon kay DepEd Undersecretary for Legal and Legislative Affairs Filemon Javier, muling ipinaalala ng ahensya ang DepEd Order No. 40, s. 2012 o ang Child Protection Policy na nagtatakda ng zero-tolerance policy laban sa karahasan sa loob ng paaralan.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Tulfo na sa kabila ng umiiral na patakarang ito, tila may problema sa tamang pagpapatupad. Iginiit din niya na dapat mayroon mananagot sa mga pangyayaring tulad nito.
Sa isa sa mga insidenteng binanggit ni Tulfo, sinabi ni Javier na “sumabay sa dagsa ng tao” ang suspek papasok sa paaralan. Tugon ni Tulfo, hindi dapat gawing palusot ang ganitong dahilan sa pagtaas ng karahasang may kinalaman sa paaralan.
Nangako naman si Javier na magpapatupad sila ng mas mahigpit na mga hakbang upang maiwasan ang karahasan sa mga paaralan.