August 25, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang “internal cleansing” sa loob ng ahensiya sa gitna ng mga alegasyon ng maanomalyang flood control projects.
Nitong Biyernes ay sinibak ni DPWH Sec. Manuel Bonoan si Bulacan first district engineer Henry Alcantara at iba pang opisyal ng district engineering office, kasabay ng inilabas na show-cause order laban sa kanila, na hinihiling na ipaliwanag ang mga ghost projects.
Sinampolan din si Isabelo Baleros, hepe ng Las Piñas–Muntinlupa District Engineering Office (LPM DEO), na inilipat sa DPWH Metro Manila 3rd District Engineering Office sa ilalim ng NCR Region, at pinalitan ni Engineer Ruel Umali, alinsunod sa memorandum na inilabas ni Bonoan.
Nabatid na humiling umano si Baleros na mailipat ang pondo para sa ilang proyekto ng Las Piñas mula sa kanyang district office papunta sa regional office ng DPWH sa NCR—nang hindi kinokonsulta ang Tanggapan ng Alkalde, ang Opisina ng Kinatawan ng Kongreso, City Engineering Office, o Sangguniang Panlungsod.
Sentro ng kontrobersiya ang P140-milyong C5 Diversion Road project sa Barangay Manuyo Dos, ang pinakamalaking alokasyon mula sa kabuuang P450.5-milyong pondo para sa imprastraktura ng Las Piñas ngayong taon.
Binigyang-diin ni Bonoan na pananagutin ang mga opisyal at kawani ng DPWH na mapapatunayang responsable sa mga substandard o “ghost” flood control projects, at tiniyak na kakasuhan sila.
Ang mga kamakailang imbestigasyon ay nagsiwalat na ang mga opisyal ng gobyerno ay nauugnay sa mga kontratista ng gobyerno — ang nangungunang campaign donor ni Senate President Chiz Escudero na si Lawrence Lubiano ay nakakuha umano ng P5.16 bilyon sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha, at ang malapit na pamilya ni Congressman Edwin Gardiola ay nakakuha umano ng P16 bilyon sa pinagsamang mga proyektong pang-imprastraktura mula 2023.
“I think we have to cleanse the organization if needed,” ani Bonoan sa panayam.
Sa gitna ng eskandalo, hiniling ng mga senador at ilang grupo ang pagbibitiw sa tungkulin ni Bonoan lalo na nang aminin niya na mayroong ghost projects sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Naniniwala naman si Bonoan na maaring maka-impluwensya ang panlabas na puwersa at panggigipit na hindi naiwasan.
Suportado naman ni Bonoan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang isyu at tukuyin ang mga sangkot sa “ghost projects”, magsampa ng mga kaukulang kaso at magpatupad ng mga pagbabago sa proseso ng bidding upang maiwasan ang katiwalian.
