February 6, 2026 | 12:00am
Dear Dr. Love,
May kwento po akong gustong ibahagi. Tungkol po sa dalawang taong matagal nang magkalapit, pero parang laging may isang hakbang na kulang. May kaibigan po akong matagal ko nang kasama sa trabaho at sa mga simpleng lakad. Madalas ka-ming magkausap, magkatabi sa tawanan, at laging nandiyan para sa isa’t isa. Kapag may problema siya, ako ang una niyang tinatakbuhan. Kapag ako naman ang may dinadala, siya rin ang takbuhan ko.
Maraming beses na po kaming napagkamalang magkasintahan. Ngumingiti lang kami, nagbibiro, pero sa loob-loob ko po, may kakaibang kiliti. Ami-
nado po ako na may nararamdaman ako para sa kanya—hindi lang pagkakaibigan. Ang problema po, pakiramdam ko ganun din siya… pero pareho kaming tahimik.
May mga sandali po na parang may gustong sabihin, pero nauuwi sa biro. May mga titig na parang may laman, pero agad iniiwasan. Pareho po kaming single, pareho ring takot masaktan, at pareho ring ayaw masira ang kung anong meron kami ngayon. Kaya heto po kami—naghihintayan. Umaasa na mauna ang isa, pero walang gustong sumugal.
Dr. Love, nakakapagod din po pala ang maghintay nang walang kasiguruhan. Minsan iniisip ko, hanggang kailan kami ganito?
Mel
Dear Mel,
Maraming relasyon ang hindi nagsimula dahil sa kakulangan ng pagmamahal, kundi sa labis na takot. Takot masaktan. Takot mawalan. Takot magkamali. Pero tandaan mo ito, walang relasyong umuusad kung puro hintay lang.
Kung mawala man siya dahil sa katotohanan, baka hindi talaga siya para sa’yo. Pero kung manatili siya—mas malinaw, mas buo, at mas totoo—baka doon magsimula ang kwentong matagal n’yo nang hinihintay. Minsan, ang unang aamin ay hindi ang talo—siya ang matapang.
DR. LOVE