MANILA, Philippines — Suportado ng isang mambabatas ang mga naging pahayag at mga hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na labanan ang katiwalian at mainit na pagtanggap sa katagang “Mahiya naman kayo!” sa State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28.
Sa isang pahayag, nagdeklara si Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos na labanan ang katiwalian at impunidad sa pagsusulong ng transparency, at panagutin ang lahat ng opisyal ng pamahalaan sa maling gawain.
Nangako siyang itutulak ang mas mahigpit na mekanismo laban sa katiwalian, ganap na transparency sa paggamit ng pondo, at mga repormang institusyonal upang matiyak na walang opisyal—anumang posisyon o impluwensya—ang makakaiwas sa pananagutan.
“Ang tunay na serbisyo publiko ay hindi para sa pansariling interes, kundi para sa kapakanan ng taumbayan,” ani Santos. “Walang makapangyarihang pangalan o pamilyang dapat takasan ang pananagutan.”
Ipinahayag din ni Santos ang buong suporta sa matatag na paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa mga kaalyado at opisyal ng pamahalaan na nasasangkot sa mga kuwestyonableng transaksyon, lalo na sa mga proyektong kaugnay ng flood control.