SRP sa mga pagkain tinukuran ni Cong. Tulfo


MANILA, Philippines — Sang-ayon si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na lagyan ng suggested retail price o SRP ang mga pagkain na laging tumataas ang presyo para maiwasan ang pagsasamantala ng ilang tusong mga negosyante.

Ayon kay Cong. Tulfo, inaabuso umano ng ilang mga negosyante tulad ng mga middleman o mga broker ang presyo ng ilang pagkain dahilan para sumirit ang presyo nito sa merkado o mga palengke.

“Kasi kung susuriin ng mabuti, mura ang benta sa farmgate o ‘yung mga producer ng mga bigas, gulay, itlog at karne ng mga manok at baboy pero pagdating sa palengke presyong ginto na ito”, paliwanag ng Tulfo na tumatakbong senador sa ilalim ng Alyansa sa Bagong Pilipinas.

“Tumataas na ang pres­yo pagdaan sa kamay ng mga middleman o traders bago pa ipasa sa sa retailers na nasa mga palengke”.

Kaya giit ng mambabatas, lagyan ng Department of Agriculture ng SRP ang mga pagkain na laging tumataas ang presyo tulad ng bigas, karne ng manok at baboy, isda, gulay, at iba pa.

“Ang SRP kasi ang magkokontrol sa kikitain ng mga middleman o trader o kartel para affor­dable pa rin ang produkto pagdating sa merkado”, ani Tulfo.