Taguig court inalis si Lino Cayetano, misis sa voters list


MANILA, Philippines — Iniutos ng Taguig City Regional Trial Court ng Taguig Branch 153 na hindi isama ang pangalan nina dating Mayor Lino Cayetano at kanyang asawang si Fille Cayetano sa opisyal na listahan ng kwalipikadong botante sa Barangay Ususan, Taguig City. Sa 14-pahinang desisyon na ipinalabas nitong Marso 5, 2025, nakita ng RTC Taguig na kulang sa 6 na buwan ang paninirahan na mag-asawang Cayetano sa Barangay Ususan na binibilang mula sa petsa ng eleksyon ngayong Mayo 12, 2025

. Ibinatay ng korte sa ebidensya ng mag-asawa at ebidensiya ng mga tumututol sa kanilang tangkang pagrehistro sa Barangay Ususan, na nagpapatibay na hindi napatunayan ng mag-asawa na residente sila ng nasabing barangay ng may 6 na buwan bago ang nalalapit na eleksyon. Sa alegasyon na nanirahan sila sa Pacific Residences sa Brgy. Ususan noong 2022, malinaw din umano sa mga dokumento na lumipat sila noong 2023 sa Essensa Condominium sa BGC at bumoto sa Brgy. Fort Bonifacio noong nakaraang Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE). Maliban pa sa Contract of Sub- Lease sa Pacific Residences na may petsang Disyembre 10, 2024 lamang.

Naging testigo pa laban sa mag-asawa ang kanilang driver/security aide na ang mag-asawa ay naninirahan sa Essensa noong Nobyembre 2024 gayundin ang testimonya ng Punong Barangay ng Ususan na hindi sila residente. Sa resolusyon ng Election Registration Board(ERB), tinanggihan ang hiling ng mag-asawa na ilipat ang kanilang rehistrasyon bilang botante ng Brgy. Fort Bonifacio patungo sa Barangay Ususan at inatasan ang ERB ng Taguig na huwag isama sa opisyal na listahan ng mga botante ng Precinct No. 0926A, Barangay Ususan ang dalawa. Dahil sa nasabing desisyon ng RTC Taguig, nadiskaril ang kandidatura ni Lino Cayetano na nagnanais maging Kongresista ng First District ng Taguig at Pateros. Bagaman maari siyang bumoto sa Second District ng Taguig( Brgy. Fort Bonifacio), magiging hadlang ang desisyon ng RTC ng Taguig sa kanyang kandidatura bilang Kongresista sa First District ng Taguig at Pateros na kinabibilangan ng Brgy. Ususan. Ang desisyon ng RTC Taguig ay pinal na at agarang ipapatupad.