Takot maging Broken family | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love,

Problema ko ang mommy ko. Nahuhuli ko siya na may ka-chat na lalaki. Ayaw na rin niyang ipagamit ang cellphone niya at nilagyan pa niya ng lock. 

Bigla nga siyang bumait sa akin mula nang mahuli ko siyang may kausap na lalaki sa club house namin. 

Ang hirap pala ng ganitong situwasyon, Dr. Love. 

Nasasaktan ako dahil naaawa ako sa daddy ko na walang kaalam-alam na niloloko na siya. Isa siyang engineer sa abroad at umuuwi lang tuwing after two years. 

Hindi ko masabi sa daddy ko at sa dalawa kong kapatid dahil baka pagmulna ito nang malaking gulo na wawasak sa pagsasama ng aking mga magulang. 

Ayaw ko po masira ang pamilya namin. 

Pagpayuhan po ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin? 

Lychee

Dear Lychee,

Hindi mo nabanggit kung ilang taon ka na, pero sa hinagap ko sa iyong paraan ng pagsusulat, maaaring nasa teeanage years ka. 

Nauunawaan ko na hindi madali ang pinagdaraanan mo ngayon dahil sa hindi naasahang nadiskubre mo sa iyong mommy. Ang payo ko ay ikaw na mismo ang magsabi sa mommy mo na mali ang kanyang ginagawa. Pwede mo siyang sulatan, kung hindi mo kayang sabihin ng kaharap siya. 

Kung hindi mo kaya ay pwedeng ipaalam mo sa lolo o lola mo na magulang niya. 

Mas maganda na maagang mapaalalahanan ang mommy mo, para mas maaga rin siyang magising sa mali niyang ginagawa.

Dr. Love