Talupan, pinabayaan, namatay na baby sa ospital — Bong Go sa DOH


MANILA, Philippines — Ikinagalit at ikinadismaya ni Senator Christopher “Bong Go” ang pagkamatay ng isang 9-buwang gulang na sanggol dahil umano sa kapabayaan ng isang ospital sa Tagbilaran City, Bohol.

Nanawagan si Senator Go, chairperson ng Senate committee on health, ng isang patas, mabilis at masusing imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang pananagutan at maiwasan ang mga katulad na trahedya sa hinaharap.

“Nakikiramay ako sa mga magulang ng baby na namatay matapos tatlong beses na diumano tinanggihang ma-admit sa Governor Celestino Gallares Memorial Hospital, isang DOH-run hospital, sa Tagbilaran City, Bohol,” sabi ni Go.

Hindi napigilan ng senador ang kanyang pagkadismaya, idiniin niyang walang Pilipino ang dapat na dumanas ng ganoong kapalaran dahil sa mga kapalpakan sa healthcare system.

Hinimok ni Senator Go ang DOH na magsagawa agad ng patas at masusing imbestigasyon at binigyang-diin na dapat managot ang mapatutunayang responsable sa insidente.

Nag-viral ang Facebook post ng ina ng bata na si Maricel Igang. 

Ikinuwento ni Igang na Marso 2 ay dumanas ng lagnat, pagsusuka, at pagtatae ang kanyang sanggol. Tatlong beses niyang dinala ang bata sa ospital—noong Marso 3, 4, at 5—ngunit paulit-ulit na hindi in-admit ang sanggol matapos ikatuwiran ng mga medical staff na hindi naman kritikal ang kaso. Hindi nagtagal ay lalong lumala ang kondisyon ng sanggol hanggang sa idineklara nang patay.