Tangere pabor sa pag-regulate ng election survey


Ludy Bermudo — Pilipino Star Ngayon

February 23, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inihayag ng Acquisition Apps, Inc. (Tangere) na pabor sila sa inilabas na COMELEC Resolution No. 11117, na naglalayong i-regulate ang mga survey sa halalan at pahusayin ang transparency survey.

Ayon sa Tangere, sumusunod sila sa mga alituntunin ng Marketing Opinion Research Society of the Philippines (MORES) sa lahat ng kanilang mga paglabas ng survey, kabilang ang pagsisiwalat ng mga sponsor ng survey.

“Kami ay natutuwa sa bagong resolusyong ito mula sa COMELEC sa pamumuno ni Chairperson Atty. George Garcia dahil pinatutunayan ang ­aming mga kasanayan sa pagsasaliksik at pinatitibay ang aming misyon na maging ‘Boses ng Pilipino,’ na kumakatawan sa aming isang milyong user sa buong bansa,” ani Tangere CEO, Martin Penaflor.

Ibinahagi rin ni Penaflor na aktibong inihahanda ng Tangere ang mga kinakailangang legal na dokumento para makasunod sa bagong regulasyon at nagpahayag ng interes na dumalo sa pagtatapos ng buwang pagpupulong kasama ang iba pang mga inimbitahang survey firm.

Ang Tangere ay isang award-winning na teknolohiyang application at innovation-driven market research company na nakatuon sa pagkuha ng mga damdaming Pilipino.