Teodoro ipinagtanggol sa pagpalag sa China


MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ng Al­yansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement si Defense Secretary Gilbert Teodoro sa ginawang depensa nito laban sa pagsasabi ng China government na ‘destablizing’.

“Hindi bastos si Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro. Tumindig lang siya para ipaglaban ang bansang Pilipinas. Yan ang malinaw,” ani Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia.

Si Goitia na kilalang tagapagtanggol ng soberanya ng Pilipinas, ay naniniwalang matagal nang ginagamit ng China ang impluwensiya at kapangyarihan nito para patahimikin ang sinumang kumokontra sa kanila.

Pinuri ni Goitia ang ang pagiging prangka ni Teodoro na nagsabing hindi Amerika ang dahilan ng tensyon sa karagatan kundi ang mismong agres­yon ng Tsina.

“At ngayon na may opisyal na matapang na nagsalita para sa atin, aatras pa ba tayo? Hindi na puwede. Suportahan natin ang katotohanan.Suportahan natin ang Pilipinas. Suportahan natin ang kinabukasan ng mga Pilipino,” diin niya.