February 25, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Lumikha ang Commission on Elections (Comelec) ng isang task force na nagmamandato sa mga organisasyon at mga indibidwal na nagsasagawa ng mga election-related surveys sa panahon ng halalan, na magrehistro sa poll body bago maglabas ng resulta.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang kanilang Political Finance and Affairs Department (PFAD) ang mangunguna sa ‘Task Force Respeto.’
Sinabi ni Garcia na ang naturang task force ang magpapatupad ng mga guidelines sa regulasyon, patungkol sa survey firms at organization. Hindi sakop ng registration ang media entities, religious organization, cause-oriented groups, civic organization at maging education institutions.
Umapela na lamang si Garcia sa media na kung magre-report ng survey results ay isama ang polling firms na nasa likod ng mga ito.
Babala pa niya, ang mga survey firms na hindi magrerehistro sa Comelec ay maaaring maharap sa election offense.
“Dalawa po ang requirement: registration, reporting. Kinakailangan i-register at kailangan gumawa sila ng report sa amin. Gusto namin malaman magkano ang binayad, sino ang nagpa-commission, ano ang scientific method, etc. ‘Yung mga ginagawang kalsada surveys, ‘di po kasama ‘yun. ‘Yung surveys ng dyaryo, radyo, ‘di kasama ‘yun sapagkat ‘yan ay part ng news and public affairs program,” aniya.
Kaugnay nito, nakatakdang makipagpulong ang task force sa mga polling firms sa Huwebes, Pebrero 26, upang hingiin ang kanilang commitment at pledge na tumalima sa mga guidelines ng Comelec.
Una nang inisyu ng Comelec ang Resolution No. 11117, na nagsasaad na tanging mga pre-registered entities lamang ang awtorisado na magsagawa at maglabas ng resulta ng election surveys na may kaugnayan sa 2025 National and Local Elections (NLE) at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) elections.