MANILA, Philippines — Ikinalugod ni Senate Majority Leader Francis ‘TOL’ Tolentino ang ginawang pagkilala ng Google Maps sa West Philippine Sea (WPS).
“Tuluy-tuloy ang paglawak ng pagkilala sa WPS ng international community at mga respetadong institusyon,” ayon kay Tolentino, punong may-akda ng makasaysayang Philippine Maritime Zones Law (Republic Act 12064).
Magugunita na itinakda ng tinaguriang ‘Tolentino Law’ ang saklaw at hangganan ng WPS, kasama ang Talampas ng Pilipinas – isang mayamang undersea rise sa eastern seaboard ng Luzon.
Nilinaw ni Tolentino na ‘di lang gobyerno ang nagsusulong sa pakikihamok ng bansa, kundi maging ang aktibong online presence at pagiging makabayan ng mga Pilipino.
Umaasa si Tolentino na susunod nang kikilalanin ng Google Maps ang Talampas ng Pilipinas, na kasalukuyang ‘Benham Rise’ pa sa app.
“Maaaring mabago na rin ito,” giit ni Tolentino, lalo’t opisyal nang tinanggap ng International Seabed Authority ang mapa ng Talampas na isinumite ng pamahalaan noong Marso 27, 2025. Magugunita na pinalitan rin ang pangalan ng Benham Rise bilang Talampas ng Pilipinas sa pamamagitan ng ‘Tolentino Law.’