MANILA, Philippines — Pinasusuko na ng bagong talagang hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Gen. Nicolas Torre III si dating Spokesperson Atty. Harry Roque na nasasangkot sa kasong qualified human trafficking.
Sa panayam kay Torre, sinabi nito na hindi na maaaring dalhin sa kalsada ang kaso at mag-rally. Mas makabubuting harapin na lamang ito ni Roque dahil ito naman ang naaayon sa batas.
Ani Torre, abogado si Roque at alam naman nito ang proseso.
Binigyan diin ni Torre na hindi ordinaryo ang kasong kinasasangkutan ni Roque dahil marami ang biktima.
Dagdag pa ni Torre, nakikipag-ugnayan na rin sila sa International Criminal Court upang mas mapadali ang pagpapauwi kay Roque sa bansa.
“Mahaba-haba pa ang labanan na ‘to mahaba haba pang trabaho,” ani Torre.
Dalawa sa 51 akusado sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operastor (POGO) facility ang nadakip na kaya puspusan pa rin ang operasyon ng PNP laban sa mga ito.
