MANILA, Philippines — Kumasa si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III sa hamon ni Davao City acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa isang charity boxing match.
Sa panayam kay Torre, sinabi nito na pagkakataon ito upang makalikom ng pondo na maaaring maitulong sa mga biktima ng bagyong Crising at Habagat.
“Tamang-tama madami tayong mga kababayan ang ngayon ay nangangailangan ng tulong na naapektuhan ng bagyo at baha so maybe this is a very good time para sa isang charity boxing match”, ani Torre.
Handa rin si Torre na gawin ito sa Linggo at 12 rounds sa Araneta Coliseum.
Tiniyak din ni Torre na marami ang maghihintay ng kanilang laban at maraming “sponsor” ang papasok kaya malaking pera ang malilikom na ilalaan sa mga biktima ng kalamidad.
Matatandaang hinamon ni Duterte si Torre ng suntukan dahil sa umano’y “pagkidnap” at panghaharass nito sa kanilang pamilya.
Subalit ayon kay Torre, dapat nang mag-move on ang ama at kalimutan na ang mga isyung nangyari sa mga nakaraang buwan.
Dagdag pa ng hepe ng pambansang pulisya, dapat na umanong magkaisa ang lahat para sa kapayapaan at kaayusan ng bansa.
