Dear Dr. Love,
Tawagin n’yo na lamang po akong Jojo, 19 na taong gulang at kasalukuyang nasa kolehiyo. Sumulat po ako dahil sa isang mabigat na kalituhan sa aking puso na hindi ko na alam kung paano lulutasin.
May nakilala po akong kambal sa aming barangay—sina Clarice at Clarine. Noong una, hanggang tingin at katuwaan lang, pero habang tumatagal ay naging malapit ako sa kanilang dalawa. Ang problema po, Dr. Love, ay pareho ko silang nagugustuhan at tila nahulog na rin ang loob ko sa kanilang dalawa.
Natatakot po ako na kapag pumili ng isa, baka masaktan ko ang isa. O kaya naman, baka sa huli ay pareho silang mawala dahil sa pag-aalin
langan ko. Hindi ko rin naman gustong paglaruan sila dahil alam kong sagrado ang pagkakaibigan at pagiging magkapatid nila.
Sino po ba ang dapat kong seryosohin? Paano ko malalaman kung sino talaga sa kanila ang tinitibok ng puso ko? Ayaw ko pong masira ang ugnayan ng magkapatid dahil lang sa akin.
Jojo
Dear Jojo,
Ang puso ay hindi radyo na pwedeng sabay ang dalawang istasyon. Sa pagitan ng dalawang dalagita, lalo na’t silang dalawa ay magkapatid, ang pag-aalinlangan mo ay hindi pag-ibig kundi kalituhan lamang.
Huwag kang mamangka sa dalawang ilog. Kapag pinagsabay mo sila, hindi lang puso nila ang wawasakin mo—sisirain mo rin ang ugnayan ng kanilang pamilya.
Piliin mo kung sino ang mas hindi mo kayang mawala, at maging marangal na bitawan ang isa.
Mas mabuting maging tapat ngayon kaysa maging dahilan ng lamat sa pagitan ng magkapatid na habambuhay mong pagsisihan.
Ang tunay na lalaki, may isang salita sa kanyang sinisinta.
DR. LOVE