Undergrad | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love,

Mapalad ako sa pagkakaroon ng maganda at matalinong girlfriend. Tawagin mo na lang siyang Maricris, gumradweyt ng suma cum laude sa kursong accountancy at isang CPA. Plano naming magpakasal na.

Pero kung dunong ang pag-uusapan, matalino rin ako at madiskarte kahit first year college lang ang tinapos ko.

May sarili akong negosyo sa pango-ngontrata ng mga itinatayong bahay. Kahit first year lang ako sa architecture, umasenso ako sa trabahong ito at naging milyonaryo.

Hindi ito batid ng parents ng nobya ko at ang pagkakaalam nila ay wala akong natapos.

Dahil dito’y tutol sa aming relasyon ang mga magulang ni Maricris. Palibhasa’y simple akong manamit at walang maghihinalang mayaman ako.

Ipinaliwanag ko na sa parents niya na kahit undergrad ako ay may sarili akong negosyo pero mataas ang pride ng mga magulang niya.

Ang gusto raw nila para sa anak nila ay edukadong tulad niya.

Paano ko makukumbinsi ang mga magulang niya?

Lauro

 

Dear Lauro,

Kung kapwa kayo nasa tamang gulang na ng girlfriend mo, no problem. Kahit pa tutol ang mga magulang niya ay ituloy ninyo ang inyong balak.

Kapag kasal na kayo, matatauhan din ang mga parents ng girlfriend mo kapag nakitang nasa mabuting kalagayan ang kanilang anak.

Madalas, ang pag-asenso ng tao ay wala sa pinag-aralan kundi nasa wastong diskarte sa buhay.

Dr. Love