Vote buying, vote selling tututukan ng Comelec


Angie dela Cruz — Pilipino Star Ngayon

February 20, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Bumuo na ang Commission on Elections (Comelec) ng komite na  mag-iimbestiga sa lahat ng mga reklamo  at magkakaso na may kinalaman sa vote buying at vote selling kaugnay ng nalalapit na May 12 midterm elections.

Sinabi ni  Atty. Jan Fajardo ng Comelec  Quezon City sa QC Journalists Forum, nagbuo na ang Comelec ng Kontra Bigay Committee upang higit na matutukan ang alegasyon ng mga bayaran at bentahan ng boto at maparusahan ang nasa likod nito.

Aniya, ang sinumang kandidato na mapapatunayan nasa likod ng vote buying at vote selling ay maaaring madiskuwalipika bukod sa kulong at multa alinsunod sa Comelec rules and regulations.

Ang komite ay binuo ng mga  kinatawan mula sa  Comelec, Department of Education, Prosecutors Office at PNP.

Binigyan-diin naman ni Atty. Mark Alvario — QC LGU Election officer na May 10 at May 11 ay sisimulan na nilang ipamahagi ang mga  election materials at paraphernalias at handa na rin ang mga  storage facilities ng mga ballot boxes at logistics para sa nalalapit na halalan.