‘Di na mag-eendorso ng kandidato
MANILA, Philippines — Hindi na umano mag-e-endorso ng kandidato para sa halalan sa Mayo 12 si Vice President Sara Duterte matapos ma-’budol’ noong 2022 polls.
Sa dinaluhang “Pasasalamat kay PRRD with OFWs” event sa Southorn Stadium sa Wan Chai, Hong Kong nitong Marso 9, bagamat hindi tinukoy ni VP Sara ang kandidato, binanggit niya na, “Akala ko kasi gusto niya ng mas magandang bayan, mas maayos na Pilipinas… kasi ang plataporma namin nung tumakbo kami unity at continuity.”
Sa naturang aktibidad, pinaalalahanan din ng bise presidente ang mga botante na huwag tumingin sa kasikatan ng isang tao.
Hindi rin aniya dapat na gawing basehan ang apelyido, at sa halip ay tingnan ang naging accomplishment nito.
Ginawa pa niyang halimbawa ang sariling apelyido at sinabing, “Kailangan pag-isipan natin: Duterte ito, pero ano ang maitutulong niya sa bayan? Ano ang magagawa niya para sa bayan? Hindi pwede na pabalik-balik lang na apelyido ang binoboto natin.”
Payo pa niya, dapat ring alamin at busisiin ng mga botante ang totoong karakter ng kandidato sa likod ng camera.
“Kaya sa darating na halalan, pag-isipan na natin ang ating iboboto… sabi ko nga sa inyo, nadala na ako, na-scam na ako, nabudol na ako,” aniya pa.
Dagdag pa ni VP Sara, “Hindi ako mag-endorso ng kandidato kasi baka pagkatapos ng eleksiyon, sasabihin ninyo na naman, na-scam kami Inday Sara dahil sa’yo.”
