Waiting pa rin kay Mr. Right


Dear Dr. Love — Pilipino Star Ngayon

February 16, 2026 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Magandang araw po. Tawagin n’yo na lang po akong Disney. Ilang taon na po akong walang ka-Valentine. Tuwing sasapit ang Pebrero 14, ako na naman ang laging third wheel sa barkada o kaya taga-picture ng may mga jowa. Sanay na raw ako sabi nila, pero sa totoo lang, masakit din pala minsan.

Hindi naman po ako pangit (ayon sa nanay ko), may trabaho naman at marunong makisama. Pero bakit parang wala talagang dumarating? May mga nanligaw dati pero hindi nagtagal. Minsan naiisip ko, baka may mali sa akin o baka hindi talaga ako para sa love story.

Habang lahat sila may ka-date, ako heto, ka-date ang sarili at ang milk tea. Nakakapagod din palang maghintay.

Dr. Love, darating pa ba ang para sa akin? O tatanggapin ko na lang ba na single blessedness na ito habang-buhay?

Disney

Dear Disney,

Una sa lahat, hindi sukatan ng halaga mo ang pagkakaroon ng ka-Valentine. Hindi ka “late,” hindi ka “leftover,” at lalong wala kang diperensya dahil lang single ka.

Minsan, hindi dumarating ang pag-ibig dahil may mali sa’yo—kundi dahil may hinahanda pa para sa’yo. Habang wala pa si “Mr. Right,” huwag mong sayangin ang oras kakahintay. Palaguin mo ang sarili mo—skills, confidence, pananampalataya, at pagmamahal sa sarili. Kapag buo ka bilang tao, mas malinaw mong makikita kung sino ang dapat tanggapin at sino ang dapat iwasan.

At tandaan mo, mas mabuti ang ilang taong single kaysa habang-buhay na mali ang kasama.

Darating ang para sa’yo—hindi man ngayong love month, pero sa tamang oras, sa tamang tao, at sa tamang dahilan.

DR. LOVE