MANILA, Philippines — Pabor din ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magpatupad ng alternatibong work arrangements tulad ng working from home dahil sa maraming manggagawa ang maapektuhan ng EDSA Rebuild na magsisimula sa Hunyo 13.
Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa inter-agency meeting nitong Biyernes ang suhestiyon kung maaring ikonsidera ng mga employer.
“Mutually beneficial po. Hindi po makakapinsala sa pagpapatuloy ng negosyo, pero matiyak din po na hindi rin mapipinsala ang ating mga mangagawa,” ani Laguesma.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), maraming establisimyento at halos 50 malls ang nasa kahabaan ng EDSA.
Iginiit naman ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na maaring hindi epektibo sa ilang negosyante ang panukala.
“Sana pabayaan yung mga kumpanya at yung mga tao nila na mag-usap, diskartehan nila, kanya-kanya,” ani ECOP president Sergio Ortiz.
Humingi rin ang ECOP ng mga insentibo para sa mga establisimyento na magpapatupad ng alternatibong work set-ups.
