10 preso pumuga sa Batangas, 8 arestado!


BATANGAS, Philippines — Nag­lunsad ng malawakang hot pursuit operation ang mga awtoridad matapos makatakas ang 10 Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa Batangas Provincial Rehabilitation Center sa Brgy. Malainin, Ibaan, dito sa lalawigan, kahapon ng umaga.

Batay sa ulat ng Batangas Police, bandang alas-9:30 ng umaga nang eskortan ni PG1 Jhamil Ramirez Alcantara ang mga preso patungo sa public utility room ng kulungan, nang bigla siyang tutukan ng icepick ng isa sa mga preso, agawin ang kanyang baril at itutok sa kanya. Dito, sinamantala ng iba pang preso ang pagkakataon at tumakas patungong Brgy. Quilo, Ibaan.

Dahil dito, alas-10:00 ng umaga, agad na naabisuhan ang Ibaan Municipal Police hinggil sa pagtakas ng mga PDLs.

Pagsapit ng ala:1:30 ng hapon, nakatanggap ang mga pulis ng impormasyon na limang preso ang sumakay sa isang ALPS bus na patungong norte via Star Tollway. Agad silang naharang ng mga tauhan ng Sto. Tomas Component City Police Station sa pamumuno ni PLt. Col. Marlon C. Cabataña malapit sa Tanauan-Sto. Tomas boundary, kung saan mapayapa namang sumuko ang lima na nakilalang sina Armando Mangabat, Jr., Norman Antonio, Dennis Esme­ralda, Michael Malasique at Lester Bengoa. 

Samantala, tatlo pang presong pumuga ang nahuli naman ng mga rumes­pondeng pulis sa Ibaan. Narekober sa kanila ang isang 9mm Llama pistol na may 16 na bala at dalawang magazine, isang balisong, P59,673 cash, at ilang susi.

Nasa kustodiya na ng Sto. Tomas Police Station ang limang PDLs na nasabat sa bus habang ang tatlo pa ay nakaditine sa Ibaan Police Station bago sila muling ibalik sa provincial jail.

Nilinaw naman ni Lt. Col. Marlon Cabataña, hepe ng Sto. Tomas Police Station, na walang naganap na ­hostage-taking sa bus sa pagsakay ng limang PDLs.

“Wala pong nangya­ring hostage taking dahil mapayapa naman pong sumuko sa mga pulis ang limang suspek na sakay ng bus,” ani Cabataña.

Tiniyak ng pulisya sa publiko na nagpapatuloy ang operasyon para madakip ang natitirang mga pugante.