P100 milyong ilegal na kontrabando nasabat ng Navy


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

September 7, 2026 | 12:00am

MANILA, Philippines — Umiskor ang mga elemento ng Philippine Navy kasunod ng pagkakasamsam sa umaabot sa P100 mil­yong halaga ng illegal na kontrabando sa isinagawang tatlong maritime operations mula Agosto 28 hanggang Setyembre 3, ayon sa ulat kahapon.

Kabilang sa mga nasamsam ay ang mga hindi dokumentadong diesel fuel na nagkakahalaga ng P72,172,046; puslit na dayuhang brand ng mga sigarilyo at mga illegal na trosong Lauan na nagkakahalaga ng P251,999.

Sa kabuuan, umaabot sa P99,653,015 ang nakumpiskang mga illegal na kontrabando kasama na ang vessel na pinagkargahan sa nasabing mga smuggled na goods.

Nauna rito, nakatanggap ng impormas­yon ang Navy sa illegal na smuggling operations kaya agad na nagsagawa ng masusing monitoring na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga kontrabando.

Inihayag ni Rear Admiral Constancio Arturo Reyes Jr., commander ng Naval Command Western Mindanao na ang pagkakasamsam sa nasabing mga smuggled goods ay bunga ng mahigpit na anti-smuggling operations ng mga operatiba ng Philippine Navy.

“These operations reflect NCWM’s sustained commitment to securing the maritime domain of Western Mindanao and preventing its use for smuggling and other illegal activities,” pahayag ni Reyes.