Rider patay sa hit-and-run | Pilipino Star Ngayon


Christian Ryan Sta. Ana — Pilipino Star Ngayon

December 26, 2025 | 12:00am

JAEN, Nueva Ecija, Philippines — Hindi na umabot sa Pasko ang isang 21-anyos na lalaki makaraang masawi ito nang sagiin ang minamanehong motorsiklo ng isang sasakyan na umano ay nakagitgitan sa kalsada sa Barangay San Vicente ng bayang ito, noong Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Jimboy Lopez Reyes, binata ng Barangay Pakul, na binawian agad ng buhay matapos na mabundol ng hindi pa natutukoy sa sasakyan.

Sa imbestigasyon, nabatid na sa pagitan ng alas-4:30 hanggang alas-5:00 ng madaling-araw ay nagmamaneho ng kanyang motorsiklo ang biktima at may ka-convoy kasamahan nito sa trabaho nang masagi umano ng sasakyan ng suspek na hindi huminto nang bumagsak ang biktima.

Nagtamo ng matin­ding pinsala sa kanyang likod at ulo ang biktima na kanyang ikinamatay.

Kasalukuyan pang naghahanap cctv footage ang pulisya upang matunton ang sasakyan at suspek na responsable sa insidente.